
Ang isang 17-anyos na rider ng motorsiklo ang nasawi habang lima ang sugatan matapos magsalpukan ang isang tricycle at motorsiklo sa Sapang Palay Road, San Jose Del Monte, Bulacan pasado alas-8 ng gabi nitong Miyerkoles.
Ayon sa pulisya, nag-overtake ang tricycle driver sa isang sasakyan at nasakop ang linya ng motorsiklo kaya naganap ang banggaan. Sugatan ang 24-anyos na angkas ng motorsiklo, ang 22-anyos na driver ng tricycle, at tatlong pasahero na may edad 15, 17, at 18.
Wasak ang harapan ng tricycle kung saan dumiretso ang motorsiklo. Agad na isinugod sa ospital ang mga biktima ngunit idineklarang patay on arrival ang rider. Lumabas din sa imbestigasyon na mabilis ang takbo ng tricycle.
Walang helmet o protective gear na nakita sa pinangyarihan ng insidente. Nais magsampa ng reklamo ang pamilya ng biktima laban sa tricycle driver.