
Ang mga lider ng komunidad, kabataan, at student councils sa Bulacan ay nagsama-sama upang buuin ang Bulakenyos for Good Governance. Layunin nila ang panagutin ang mga sangkot sa mga umano’y ‘ghost’ flood control projects na nagdudulot pa rin ng malalang pagbaha sa probinsya.
Sa isang press conference, iginiit ni Danilo Ramos na ang korapsyon sa mga proyekto ay nagpapalala sa baha, na lalo namang pinapahirapan ang mga magsasaka. Aniya, “Dapat matigil ang korapsyon at pandarambong, dahil ang taumbayan ang biktima.”
Dismayado rin si David D’Angelo sa umano’y kakulangan ng aksyon ng pamahalaang panlalawigan sa patuloy na pagbaha, habang inuuna umano ang paulit-ulit na pagkukumpuni ng mga kalsadang maayos pa.
Lumabas sa datos na nakatanggap ang Bulacan ng ₱15 bilyon o katumbas ng 15% ng pondo para sa flood-control structures simula nang maupo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Gayunpaman, nananatiling bahaing probinsya ang Bulacan. Nagsimula ang kontrobersiya nang mabisto ang umano’y ₱55 milyon ghost river wall project sa Baliwag.
Nanawagan ang Bulacan State University Student Government na papanagutin ang mga kontratista, DPWH Bulacan Engineering Office, at mga opisyal na sangkot sa katiwalian. Giit nila, “Sawa na ang mga Bulakenyo sa baha at korapsyon. Panagutin ang dapat managot!”