
Ang Department of Education (DepEd) ay nagsampa ng kasong kriminal laban sa pitong pribadong paaralan na umano’y nag-claim ng pondo para sa mga “ghost” beneficiaries sa senior high school voucher program. Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, naisampa na ang kaso sa prosecutor’s office at nakapadala na rin ng demand letters sa mga paaralan.
Umabot sa ₱61.9 milyon ang kabuuang halagang sangkot sa panloloko. Ayon sa DepEd, kabilang sa mga kaso ang estafa sa pamamagitan ng falsification of documents at paglabag sa Cybercrime Prevention Act.
May posibilidad na madagdagan pa ang mga paaralang makakasuhan dahil may iba pang kasong iniimbestigahan ng legal department ng DepEd.
Noong nakaraang Hulyo, sinampahan din ng DepEd ng kaso ang ilang opisyal ng paaralan na sangkot sa parehong isyu. Bukod dito, nakarekober ang ahensya ng higit sa ₱100 milyon mula sa mga peke at maling claims, kasama ang ₱65 milyon na ipinarefund mula sa 54 na paaralan na natanggal sa programa.
Batay sa imbestigasyon ng DepEd, umabot sa ₱200 milyon ang hindi nila ibinigay na subsidies para sa halos 22,000 ghost students noong school year 2023–2024.