
Ang Bureau of Customs (BOC) ay nagsagawa ng operasyon sa compound ng mag-asawang contractor na sina Curlee at Sarah Discaya sa Pasig. Ayon sa BOC, may 12 imported luxury cars ang dapat kumpiskahin dahil posibleng may paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act.
Dalawa lang muna ang nakita sa compound: isang 2024 Toyota Land Cruiser at isang 2022 Maserati Levante Modena. Pero kalaunan, natagpuan din ang lahat ng 12 luxury cars, kabilang ang Rolls Royce Cullinan 2023, Bentley Bentayga, Mercedes Benz G-Class (Brabus), Toyota Tundra 2022, Toyota Sequoia, GMC Yukon Denali 2022 at Lincoln Navigator 2024.
Sinabi ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno na sisiguraduhin nilang makolekta ang lahat ng hindi nabayarang buwis at duties. Ayon kay Sen. Erwin Tulfo, maaaring lumagpas sa ₱100 milyon ang dapat bayarang buwis ng mga sasakyan, dahil halos 100% ng presyo ng kotse ang tax rate. Halimbawa, kung ang isang luxury car ay nagkakahalaga ng ₱22 milyon, ang buwis ay halos ₱22 milyon din.
Samantala, nagdududa si Pasig Mayor Vico Sotto sa mga pahayag ni Sarah Discaya sa Senate hearing. Tinawag niya itong “magkakontradiksyon” at iginiit na may paggamit ng dummies sa mga construction firm ng pamilya Discaya. Si Sen. Jinggoy Estrada naman ay nagbanta na maaaring ma-cite in contempt si Sarah dahil umano sa pagsisinungaling.
Bukod sa kotse, lumabas din sa pagdinig na ang mga kumpanya ng Discaya ay konektado sa mga flood control projects na umaabot sa ₱1.3 trilyon. Dahil dito, ilang senador ang nananawagan ng mas mahigpit na batas laban sa misrepresentation at paggamit ng dummy corporations sa mga government projects.