
Ang Land Transportation Office (LTO) ay naglagay ng alarm status sa isang SUV na sangkot sa hit-and-run sa Marikina City na ikinasugat ng isang 74-anyos na babae.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente sa A. Bonifacio Avenue, Brgy. Tañong noong Sabado ng madaling-araw. Habang tumatawid ang biktima na si Dolora De Gala, bigla siyang nabangga ng SUV at mabilis na tumakas. Dalawang rider ang agad na tumulong at may barangay officers na rumesponde.
Nagkaroon si De Gala ng malaking sugat sa noo at pasa sa tuhod at katawan. Dahil dito, naglabas ng show cause order (SCO) ang LTO laban sa may-ari ng sasakyan. Nakasaad dito na dapat humarap ang registered owner at driver sa Setyembre 1, 2025, 3:00 PM sa Quezon City at magsumite ng paliwanag kung bakit hindi sila dapat kasuhan.
Inilagay din sa alarm ang SUV at binigyan ng 90-day preventive suspension ang lisensya ng driver. Kapag natukoy, agad dapat itong isuko. Samantala, nananawagan si Barangay Captain Danny Del Castillo at ang pamilya ni De Gala sa driver na magpakita at harapin ang kanyang pananagutan.
“Nakita namin ang plate number NFS 6570. Alam niyo na nakabangga kayo, tulungan niyo naman ang pamilya,” ayon kay Del Castillo.