
Ang hirap maging housewife na may small business. Oo, may kasama ako sa bahay—ang asawa ko—pero pakiramdam ko ako lang talaga ang nagdadala ng lahat. Ako ang nagbabayad ng bills, pagkain, at mga utang. Kahit yung perang hiniram namin sa nanay niya, ako pa rin ang nagbabayad paunti-unti. Ang masakit, kahit anong gawin ko, parang ako lang lagi ang may diskarte.
Dati namang nagtrabaho ang asawa ko. Binibigay niya ang sweldo niya, pero hindi talaga sapat. Kaya kahit siya may trabaho, ako pa rin ang nakakargo sa iba pang gastos. Ngayon, hindi na siya regular na nagtatrabaho. Kaya sabi ko, siya na ang magbantay ng small business namin para naman kahit papaano matuto siyang kumayod at magdala ng sariling pera, imbes na umasa lagi sa pamilya niya.
Pero hindi ko maitatanggi, napapagod ako. Lalo na kapag nauubos na ang pasensya ko. Minsan, pakiramdam ko ako na lang mag-isa ang may diskarte sa lahat. Umaabot sa punto na sa sobrang inis ko, nasasabi ko sa kanya: “Kung hindi ka sana umutang sa nanay mo, wala tayong problema. Ako na lang lagi, wala kang silbi.” Alam kong masakit pakinggan, pero yun ang lumalabas kapag punong-puno na ako.
Ang mas nakakagulat, hindi siya lumalaban. Kahit masakit yung mga salita ko, tahimik lang siya. Alam kong nasasaktan siya pero hindi siya nagsasalita. Mabait siyang tao, pero minsan naiisip ko, sapat na ba ang bait kung ako naman ang laging bumubuhat? Dumating pa sa punto na naisip ko na baka mas mabuti kung hiwalayan ko siya. Pero nung pinag-isipan ko, narealize ko na selfish yun. Kasal kami, kaya dapat magtulungan.
Kaya ngayon, pinipilit ko siyang turuan. Gusto kong makita niya kung gaano kahirap kumita ng pera, kung gaano kabigat magpatakbo ng negosyo at magbudget para sa bahay. Umaasa akong sa pamamagitan nito, marerealize niya na hindi ako robot na kayang gawin lahat. Gusto ko rin maramdaman niya ang bigat, para dumating ang araw na maging mas madiskarte siya at hindi lang umasa sa akin.
Araw-araw, gastos namin nasa ₱20,000 hanggang ₱25,000 buwan-buwan. Lahat halos sa akin galing. Hindi ko alam kung hanggang kailan ko kakayanin, pero umaasa akong mabago siya at makita niya yung hirap na pinapasan ko.
Ito ang totoo: Mahal ko siya, pero pagod na ako. Sana balang araw, magbago siya at makita niya yung halaga ng pagiging partner. Hindi ko kailangan ng perpektong asawa, ang kailangan ko ay yung marunong kumayod, marunong magdisiplinang kumita, at marunong magpahalaga sa hirap ko.