
Ang Tropical Depression Jacinto ay patuloy na nagpapalakas ng southwest monsoon o habagat na nagdudulot ng ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa, ayon sa PAGASA.
Huling namataan si Jacinto sa layong 505 kilometro kanluran ng Subic Bay, Zambales, taglay ang lakas ng hangin na 45 kilometro kada oras at bugso na umaabot sa 55 kph. Kumakilos ito pa-hilagang kanluran sa bilis na 10 kph.
Dulot ng trough nito, may pag-ulan sa Ilocos Region, Cagayan, Isabela, Cordillera, Zambales at Bataan. Pinapalakas din nito ang habagat na nagdadala ng thunderstorms at banta ng flash floods at landslides sa Palawan, Occidental Mindoro, Western Visayas at Negros Island Region.
Bagama’t walang tropical cyclone wind signals, nagbabala ang PAGASA na posibleng umabot sa 50 hanggang 100 millimeters ng ulan na maaaring magdulot ng pagbaha sa mabababang lugar at pagguho ng lupa sa bundok. Pinapayuhan din ang mga mangingisda na huwag munang pumalaot sa kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas dahil sa alon na aabot sa 3.5 metro.
Inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility si Jacinto ngayong araw, ngunit posibleng maging tropical storm sa weekend habang papunta sa Vietnam. Samantala, asahan pa rin ang pag-ulan sa kanlurang bahagi ng bansa hanggang weekend, habang ang Metro Manila at silangang probinsya ay makararanas ng maulap na panahon at isolated thunderstorms tuwing hapon at gabi.