Ang Porsche ay naglabas ng espesyal na 911 GT3 livery bilang pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng ANDIAL, isang kilalang motorsport group. Ang disenyo ay inspired mula sa iconic na ANDIAL 935-L race car at ipinakita sa isang malaking car event sa U.S.
Itinatag noong 1975 nina Arnold Wagner, Dieter Inzenhofer at Alwin Springer, ang ANDIAL ay naging simbolo ng Porsche performance sa racing at street tuning. Kilala sila sa paggawa ng makapangyarihang makina na nanalo sa endurance races gaya ng 24 Hours of Daytona.
Ayon kay Volker Holzmeyer, CEO ng Porsche Motorsport North America, “Ang GT3 ay kumakatawan sa koneksyon ng motorsport technology at road cars, tulad ng ginawa ng ANDIAL noon.” Dagdag pa niya, inspirasyon pa rin hanggang ngayon ang kwento ng ANDIAL para sa mga Porsche fans sa buong mundo.
Ginawa ng Porsche Exclusive Manufaktur sa Zuffenhausen, ang hand-applied Design Wrap package ay nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱450,000. Kasama dito ang ANDIAL-inspired graphics, opsyonal na racing numbers at driver flag decals. May dagdag na accessories tulad ng painted key, logo-embossed manual case at floor mats.
Available na ang espesyal na 911 GT3 ANDIAL livery sa configurator ng Porsche, at may plano rin para sa retrofit options para sa mga kasalukuyang GT3 owners.