
Ang San Fernando City, La Union ay patuloy na nakararanas ng kawalan ng kuryente matapos ang pananalasa ng bagyong Emong. Ayon sa City Disaster Risk Reduction and Management Office, nasa 20 porsyento pa lamang ng kabuuang lugar ang may kuryente noong Sabado, Hulyo 26.
Upang matulungan ang mga residente, naglagay ang lokal na pamahalaan ng mga cellphone charging stations sa iba’t ibang lugar. Kabilang dito ang tatlong mall, isang gasoline station, isang cafe, isang lounge, at ang DICT Mobile Operations Vehicle for Emergency na nasa People's Park sa harap ng city hall.
Ibinahagi ni Bayan Patroller Joanne Ponsoy ang mga larawan at bidyo ng mga residente na pumunta sa city hall upang mag-charge ng kanilang cellphone. Ang hakbang na ito ay malaking tulong para sa mga apektadong pamilya na hirap makipag-ugnayan dahil sa kawalan ng kuryente.
Bagama’t wala nang ulan noong Linggo, Hulyo 27, may ilang barangay pa rin ang lubog sa baha. Dahil dito, inanunsyo ng lokal na pamahalaan na suspendido ang klase mula Kindergarten hanggang Grade 12 sa pampubliko at pribadong paaralan sa Lunes, Hulyo 28. Para naman sa kolehiyo, ipatutupad ang asynchronous na paraan ng pag-aaral.
Patuloy ang operasyon para maibalik ang suplay ng kuryente sa buong siyudad sa lalong madaling panahon.