
Ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay nag-utos sa Department of Health (DOH) na ayusin ang pagpapatupad ng zero billing policy sa lahat ng ospital na accredited ng DOH. May mga ulat ng mahahabang pila at kalituhan ng mga pasyente, kaya’t nais ng Pangulo na malinaw ang proseso.
Sa pagbisita niya sa Eastern Visayas Medical Center sa Tacloban City, sinabi ng Pangulo na dapat ma-brief nang maayos ang mga staff para hindi mahirapan ang mga pasyente sa pag-avail ng benepisyo. Ang polisiya ng zero balance billing ay unang inanunsyo ni Marcos sa kanyang ika-apat na SONA noong Hulyo.
Sakop ng patakarang ito ang mga pasyenteng naka-admit sa basic accommodation rooms o wards sa DOH-accredited hospitals. Hindi na kailangan ng out-of-pocket expenses o dagdag na bayad mula sa mga pasyente.
Bago ang inspeksyon sa ospital, personal na ipinasakamay ni Marcos ang 124 patient transport vehicles (PTVs) sa iba’t ibang lokal na pamahalaan sa Eastern Visayas. Kabilang dito ang mga bayan na ngayon lang nagkaroon ng sariling ambulansya, gaya ng Abuyog, Jaro, Kananga, Matalom at Santa Fe sa Leyte; Tagapul-an sa Samar; General MacArthur, Salcedo at San Policarpio sa Eastern Samar; at Lapinig, San Vicente at Silvino Lobos sa Northern Samar.
Bawat ambulansya ay kumpleto sa gamit gaya ng stretcher, oxygen tank, blood pressure monitor, at first aid kit. Ayon kay Marcos, ang ganitong modelo ay praktikal dahil natutugunan nito ang 90% ng pangunahing pangangailangan ng pasyente. Sa kabuuan, mula sa 1,642 lungsod at bayan sa bansa, 1,173 na ang may sariling PTVs.