
Ang Senado ay nag-apruba ng livestreaming ng lahat ng yugto ng talakayan sa pambansang badyet para sa 2026 upang maiwasan ang huling minutong dagdag sa pondo. Lahat ng budget documents at mga pulong, kabilang ang bicameral conference committee meetings, ay ipo-post sa opisyal na website para makita ng publiko.
Sa ilalim ng kasunduan, ilalabas online ang kumpletong dokumento mula sa hiling ng ahensya, National Expenditure Program (NEP), mga bersyon ng Senado at Kamara, hanggang sa final reconciled version. Kasama rin ang BP 201 forms, General Appropriations Bill (GAB), bicameral committee report, at transcript ng mga pulong. Magkakaroon ng comparative matrix na magpapakita ng dagdag, bawas, at galaw ng pondo sa bawat programa at proyekto.
Ang Kamara ay magpapatupad din ng limang reporma sa pag-apruba at pagpapatupad ng ₱6.973 trilyong pambansang badyet para sa 2026. Kabilang dito ang pagtanggal ng “small committee,” pagbubukas ng budget conference sa publiko at media, pag-imbita sa civil society at pribadong sektor sa hearings, pagpapalakas ng oversight function para sa real-time na pagmo-monitor ng proyekto, at pag-prioritize sa agrikultura, imprastraktura, edukasyon, kalusugan, at pambansang seguridad.
Ayon sa NEP 2026, na may halagang ₱6.793 trilyon (22% ng GDP), tataas ng 7.4% ang pondo kumpara ngayong taon. Mas malaking budget ang ilalaan para sa edukasyon, kalusugan, social protection, at food security upang palakasin ang ekonomiya. Sa kauna-unahang pagkakataon, maaabot ng badyet sa edukasyon ang rekomendasyon ng UNESCO na 4% ng GDP, na katumbas ng ₱1.224 trilyon o 16.6% ng kabuuang pondo.