
Ang totoo, matagal ko na itong dinadala sa dibdib at hindi ko na alam kung mali ba ako sa nararamdaman ko. Ako ay 23, siya ay 24, at magka-relasyon na kami ng 8 taon. Pareho kaming nakapagtapos ng college pero sa ngayon, ako lang ang may trabaho. Sakto lang ang sahod ko at may mga loans pa akong binabayaran. Siya naman ay nasa training pa lang para makasampa sa barko, at alam kong mahirap din yung pinagdadaanan niya.
Gusto ko sana na humingi siya ng kahit ₱500–₱1,000 allowance kada linggo sa magulang niya. Ayaw ko siyang pagtrabahuhin muna kasi gusto ko makapagpahinga siya pagkatapos ng 8 oras na training. May sideline kami tuwing Sunday pero kulang pa rin iyon sa pang-araw-araw na gastos niya.
May motor din kami na under my name na kinuha namin para sa service niya dahil walang dumadaan na public transportation sa workplace niya. Ako ang nagbabayad ng monthly amortization mula sa mga kita ko tuwing Saturday. Pero ang pinakamasakit para sa akin, minsan hindi siya kumakain para lang makatipid, at ayaw niyang tanggapin kahit binibigyan ko na. Sinasabi niya na ayaw niyang manghingi sa magulang niya kasi may marami raw silang utang. Pero kapag ibang kapatid niya ang humingi, agad silang nabibigyan.
Nakikita ko talaga na parang unfair ang trato ng family niya sa kanya. Noong graduation niya, sa foodcourt lang kami kumain, pero noong binyag ng pamangkin niya, may lechon pa at handaan. Siya pa ang pinakaresponsable sa limang magkakapatid, pero siya rin yung laging nakakalimutan. Hindi man lang siya nabigyan ng phone — lahat ay pinaghirapan niya. Pagkatapos ng college, hindi siya tinulungan ng parents niya para sa apprenticeship. Imbes, pinagbantay pa siya ng bakery ng isang taon kahit kaya naman nilang magbigay ng suporta.
Ngayon, kahit gusto kong ipilit na humingi siya ng konting tulong mula sa magulang niya, nag-aaway kami tuwing nababanggit ko ito. Hindi ko ito ginagawa para sa sarili ko. Ako, halos wala nang tulog kakaisip ng side hustles para lang matulungan siya. Kahit maliit na bagay lang mula sa parents niya, gusto ko maramdaman niya na hindi siya mag-isa, na may sumusuporta sa kanya bukod sa akin.
Hindi ko alam kung masama ba akong girlfriend kung ipipilit ko ito. Gusto ko lang talaga siyang tulungan at maramdaman niyang mahalaga siya sa pamilya niya. Pero minsan iniisip ko, baka nga ako na lang ang may ganitong pananaw, at siya mismo ay mas gusto na magtiis mag-isa kaysa manghingi.