
Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mga kongresistang sina Leila de Lima at JC Abalos ay hindi sang-ayon sa panukala ni Senador Erwin Tulfo na alisin ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Ang 4Ps ay isang programa ng gobyerno laban sa kahirapan. Nagbibigay ito ng kondisyonal na ayuda sa mga mahihirap na pamilya sa loob ng hanggang pitong taon. Layunin nitong mapabuti ang kalusugan, nutrisyon, at edukasyon ng mga batang edad 0 hanggang 18.
Ayon kay Gemma Gabuya, program director ng 4Ps, napatunayan na nitong nakaraang mga taon na ang programa ay nakakatulong sa pagbaba ng bilang ng mahihirap sa bansa. Wala raw dahilan upang ito’y buwagin.
Iginiit naman ni Rep. De Lima, may-akda ng batas na nagpatibay sa 4Ps, na ang mga benepisyaryo ng programa ay hindi umaasa lang sa ayuda. “Hindi ito limos. May mga kondisyon ang programa kaya nararapat lang ang natatanggap nila,” ani De Lima.
Sa halip na alisin, nais ni Rep. Abalos na palakasin pa ang 4Ps. Aniya, mahalaga ang kabuhayan sa pag-ahon sa hirap, pero ang 4Ps ay pamumuhunan sa edukasyon at kalusugan ng kabataan mula sa pinakamahihirap na pamilya.