
Ako ay 40 taong gulang, at may LIP (Live-In Partner) ako na 30 years old. Sa loob ng relasyon namin, masasabi kong okay naman kami. Siya ay mabait, responsable, at maayos makisama. May isa siyang anak na 5 taong gulang, na iniwan sa kanya ng nanay nito noong 3 years old pa lang.
Sa totoo lang, hindi ko ito masyadong pinapansin noong una. Iniisip ko, normal lang na mahal niya ang anak niya—natural yun, diba? Pero nagbago ang pakiramdam ko nang isang araw, tinamaan ako ng tanong na hindi ko mapigilang itanong:
“Paano kung biglang bumalik ang nanay ng anak mo at kunin siya?”
Alam ko kasi, base sa batas, kapag hindi kasal ang magulang, automatic na nasa nanay ang legal na karapatan sa bata, lalo na kung minor pa ito. Gusto ko lang marinig ang pananaw niya, pero nagulat ako sa sagot niya. Ang sabi niya:
“Bangkay kami pareho ng anak ko bago niya makuha ang bata.”
Hindi niya ito sinabi ng biro. Paulit-ulit niyang inulit na handa siyang makipaglaban hanggang kamatayan. Kahit ipinaliwanag ko na may legal na karapatan ang nanay, hindi siya nagbago ng paninindigan.
Doon ako nadismaya. Napaisip ako: Bakit ganoon? Ano bang papel ko sa buhay niya kung ang lahat ng laban niya ay para lang sa anak niya? Tinanong ko siya: “Paano naman ako? Ano ba ang lugar ko sa buhay mo?” Pero wala akong nakuhang malinaw na sagot.
Simula noon, hindi ko maiwasang mag-overthink. Naisip ko, baka gusto lang niya akong gawing yaya ng anak niya. Kasi isipin mo, bakit parang buhay at kamatayan para sa kanya ang anak niya, pero pagdating sa akin, wala siyang sinabi kung paano niya ako ipaglalaban?
Lalong tumindi ang pag-aalala ko nang isang araw, nag-message ang nanay ng bata at nagbantang kukunin na niya ang anak. Doon ko naisip: Kung dumating ang oras na iyon, saan ako lulugar? May laban ba ako bilang partner niya? O wala talaga?
Hindi ko alam kung ako lang ba ang mali dito. Normal lang ba na isipin ko ito? O tanda na ito na baka hindi ako priority sa buhay niya? Mahal ko siya, pero natatakot ako sa iniisip ko na baka hindi naman ako mahalaga sa plano niya—baka anak lang niya ang mundo niya.