
Ang Gilas Pilipinas ay nabigyan ng matinding pagsubok sa kanilang unang laban sa FIBA Asia Cup 2025 matapos matalo sa Chinese Taipei, 95-87, Miyerkules ng madaling-araw sa King Abdullah Sports City, Jeddah, Saudi Arabia. Sa pagkatalong ito, bumagsak ang Pilipinas sa 0-1 record sa Group D, habang nasa itaas ang Chinese Taipei at New Zealand na may tig-isang panalo.
Si Justin Brownlee ang nanguna para sa Gilas na may 19 puntos, pitong rebounds, at dalawang assists, ngunit napaaga ang kanyang paglabas matapos ma-foul out sa huling bahagi ng laro. Kevin Quiambao nagbigay ng enerhiya mula sa bench na may 17 puntos (3/6 sa three-points), apat na rebounds, at dalawang assists. Dwight Ramos at Scottie Thompson nag-ambag ng tig-16 puntos bawat isa.
Ang Gilas ay nahirapan dahil sa mahinang depensa at turnovers sa unang quarter, dahilan para habulin nila ang laro matapos magbigay ng 27 puntos sa Chinese Taipei. “Hindi kami naglaro nang maayos, parang panic mode kami,” ayon kay Coach Tim Cone, na umaming nadismaya at nagsabing, “Outcoached kami.”
Sa kabila ng pagkahuli ng hanggang 17 puntos, nagawang makalapit ng Gilas sa huling quarter, ngunit nasira ito nang si Brownlee ay ma-foul out may apat na minuto pa sa laro. Pinangunahan ni Ying-Chun Chen ang Chinese Taipei na may 34 puntos at anim na tres, kalahati ng kanilang 12 three-pointers. Dagdag pa rito, sobrang nakasama sa Gilas ang kanilang 26 fouls, dahilan para sa 35 free throws ng kalaban, kung saan 27 ang naipasok (77.1%).
Susubukan ng Gilas na bumawi sa susunod nilang laban kontra New Zealand sa Agosto 7, 11:00 p.m. Ngunit ayon kay Cone, kailangan nang kalimutan ang pagkatalo at maghanda agad. “May dalawang araw lang kami para maghanda,” aniya. “Kailangan naming gumalaw agad.”