Ang Cup of Joe (COJ), dating mga high school kids na tumutugtog lang kung saan-saan noong 2019, ngayon ay isa na sa pinakamainit na banda sa bansa. Hindi lang ‘yan, nakagawa rin sila ng kasaysayan bilang unang Filipino act na pumasok sa global hit lists. Ang kanilang kantang Multo ay naging No. 1 seller at nananatili sa Spotify Global Chart.
Noong July 31, nang ilabas online ang tickets para sa concert na “Stardust” na gaganapin sa Smart Araneta Coliseum sa October 10 at 11, kumita agad ito ng mahigit ₱70 milyon sa loob lamang ng isang araw. Dahil sa sobrang demand at maraming fans na hindi nakakuha ng tickets, nagdagdag pa sila ng isang show sa October 12 sa parehong venue.
Ang COJ ay binubuo nina Gian Bernardino, Rafa Ridao, Gab Fernandez, CJ Fernandez, at Xen Gareza. Sumikat ang banda dahil sa mga kantang “Tingin,” “Estranghero,” at “Ikaw Pa Rin ang Iibigin Ko,” pero ang Multo ang nagbigay sa kanila ng global recognition. Ang kantang ito, na isinulat ni Rafa Ridao, ay tumatalakay sa pagharap sa personal na “multo” o mga pinagdadaanan sa buhay—isang tema na tumama sa damdamin ng maraming listeners.
Ngayong paparating ang Stardust Concert, inaasahang magiging highlight pa rin ang Multo, pero inaabangan din ang iba pang tracks mula sa kanilang album na Silakbo tulad ng kantang “Pahina.” Ang kantang ito ay nagsisilbing paalala na ang buhay ay parang mga pahina na ating sinusulat araw-araw.
Hindi lang sila basta nagpa-party; pinapaisip pa nila tayo tungkol sa buhay at mga karanasan. Nakakabilib ang Cup of Joe, at patunay dito ang kanilang sold-out shows at patuloy na pag-angat sa music scene.