Ang isang Pilipinong seafarer ay nahatulang 18 taon sa kulungan matapos mapatunayang sangkot sa cocaine smuggling sa Ireland, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Ayon sa ulat ng Philippine embassy sa Dublin, ang Pinoy OFW ay napatunayang guilty sa pagdadala ng cocaine. Nahuli siya noong Setyembre 2023 kasama ang lima pang tripulante ng barkong MV Matthew na may bandilang Panamanian. Sila ay sinasabing nagtangkang magpuslit ng 2.2 tonelada ng cocaine, na tinawag na pinakamalaking huli sa kasaysayan ng Ireland.
Una siyang hinatulang 28 taon at sinasabing siya ang nagmamaniobra ng komunikasyon sa sindikatong nakabase sa Dubai. Binawasan ito sa 18 taon bilang konsiderasyon sa mabuting asal. Ayon pa sa DFA, ang iba pang tripulante ay nahatulan ng hanggang 17 taon.
Patuloy na nagbibigay ng consular assistance ang Philippine embassy sa Dublin. Nahuli ang barko matapos itong bantayan ng ilang linggo ng Irish Navy at mga ahensyang internasyonal, kabilang ang US Drug Enforcement Administration.