Ang insidente ng isang PWD couple sa isang sikat na coffee shop sa Alabang ay nag-viral matapos silang makaramdam ng hiya dahil sa maling pangalan na isinulat sa kanilang order.
Noong Hulyo 22, ikinuwento ni Marivic Cruz sa Facebook na siya at ang kanyang asawang si Daniel ay nakatanggap ng Starbucks orders na may nakasulat na pangalang “SPEECH” sa kanilang cups. Ayon kay Marivic, siya ay may psychosocial disability habang si Daniel naman ay may speech disability.
“Really, Starbucks!? This is so disappointing,” ani Marivic. Dagdag niya, ipinakita ni Daniel ang kanilang PWD ID habang sinasabi ang kanyang pangalan, pero ang isinulat pa rin sa cup ay “SPEECH.”
Ang National Council on Disability Affairs (NCDA) ay kumondena sa pangyayari at nanawagan ng aksyon laban sa diskriminasyon. Sinabi ng NCDA na ang ganitong gawain ay labag sa Magna Carta for Persons with Disabilities (RA 7277 at RA 9442) at hinikayat ang coffee chain na magsagawa ng tamang training para sa kanilang staff upang maiwasan ang ganitong pangyayari.
Starbucks umamin at humingi ng paumanhin. Ayon sa kanilang pahayag, nagkamali ang empleyado nang akalaing ang “speech” na nakasulat sa ID ay pangalan ng customer. Nangako ang kompanya na magpapatupad ng mas mahigpit na training para sa inclusivity at respeto sa lahat ng customers.