
Ang Huthis sa Yemen ay naglabas ng video nitong Lunes na nagpapakita ng nawawalang crew ng cargo ship na Eternity C, na kanilang pinasabog at lumubog ngayong buwan. Sa kanilang pahayag, sinabi nilang “sinagip” nila ang mga tripulante mula sa dagat.
Noong nakaraang linggo, lumubog ang Eternity C at Magic Seas sa Red Sea dahil sa pag-atake ng Huthis, na sinasabi nilang konektado sa Israel dahil sa giyera sa Gaza. Ayon sa EU Operation Aspides, 15 sa 25 tripulante ng barko ang nawawala, at apat sa kanila ay pinaniniwalaang patay.
Sa video, makikita ang sampung crew na sinasabing nailigtas ng Huthis, karamihan ay Pilipino. Ayon sa pahayag, 11 tripulante ang nailigtas, kabilang ang dalawang nasugatan na binigyan ng lunas. Isa namang bangkay ang natagpuan sa barko bago ito lumubog.
Makikita rin ang isang lalaking sinabing electrician na nakahiga at nagsasalita sa Ingles. Aspides ay nagsabing isang Russian electrician ang naputulan ng binti. Sa dulo ng video, pinilit umano ang mga tripulante na magsabi ng “We are sorry, Palestinians.”
Noong nakaraang linggo, sinabi ng Human Rights Watch na labag sa batas ang pagdetine ng mga crew at tinawag na war crime ang pag-atake ng Huthis. Inakusahan din ng Estados Unidos ang grupo ng pagkidnap sa mga nawawalang tripulante.