
Ang isang 18-anyos na babae ay nagtamo ng malubhang pinsala matapos masabit ang kanyang buhok sa isang carnival ride sa Netley Marsh Steam and Craft Show sa England.
Ayon kay Emma Perry, isang 51-anyos na nurse na kasama ang kanyang anak sa naturang ride, nadulas ang dalaga sa gumagalaw na sahig at bumagsak paatras. Doon na nasabit ang kanyang buhok sa mga roller ng sahig.
Bilang isang first aider, agad tumulong si Perry matapos marinig na dumudugo ang biktima. “Nakita ko na halos tatlong-kapat ng anit ng babae ay napigtas,” wika ni Perry. Dagdag pa niya, agad rumesponde ang mga rescuers at kinailangan pang putulin ang bahagi ng ride para mailabas ang dalaga sa stretcher.
Ayon sa may-ari ng carnival na si Charles Cole, maayos ang safety check ng ride at tinawag niya itong isang “freak accident.” Sinabi rin niyang may 50 katao nang sumakay bago ang insidente at walang naging problema.
Sa ngayon, iniimbestigahan ang insidente ng Hampshire Police kasama ang Health and Safety Executive. Nagsabi ang organizers ng kanilang pakikiisa sa biktima at mga magulang nito.