
Ang laban ng PNP Chief Gen. Nicolas Torre III at Acting Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte na inaasahan ng marami ay nauwi sa panalo ni Torre dahil hindi sumipot si Baste. Naganap ang event kahapon sa Rizal Memorial Coliseum at nakalikom ito ng P16.3 milyon para sa charity.
Ayon kay Torre, hindi na niya inantay si Duterte matapos kumpirmang hindi ito dadalo. “Maraming nagbayad at pumunta, kaya itinuloy namin,” paliwanag niya. Layunin ng event na makalikom ng pondo para sa mga nasalanta ng habagat at iba pang kalamidad.
Bukod sa cash donations na umabot sa P16.3M, maraming kumpanya at indibidwal ang nagbigay ng truckloads ng bigas at canned goods. Ibinahagi ni Torre na agad itong ipapamahagi sa pamamagitan ng DSWD at Philippine Red Cross. May isa pang kumpanya na nagbigay ng buong wing van ng de-lata.
Samantala, sinubukan ni Duterte na ire-schedule ang laban, ngunit tinanggihan ni Torre dahil sa dami ng kanyang trabaho at pangangailangan ng agarang ayuda. “Hindi kami puwedeng maghintay ng schedule niya, may mas mahalaga kaming gagawin,” giit ni Torre.
Sa huli, sinabi ni Torre na ang laban ay naging oportunidad para makatulong. Kahit maraming nagsabing “unnecessary” ang laban, tiniyak niyang mahalaga ang adhikain: makalikom ng tulong sa mga nangangailangan.