
Ang Kamara ay maghahain ng motion for reconsideration laban sa desisyon ng Supreme Court (SC) na nagsasabing unconstitutional ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House Spokesperson Atty. Princess Abante, sinunod ng Kamara ang tamang proseso ng impeachment base sa Konstitusyon at naunang rulings ng Korte Suprema. Dagdag pa niya, nirerespeto ng Kamara ang korte ngunit nababahala sila sa naging desisyon.
“Ang Kamara, matapos pag-aralan ang kaso, ay maghahain ng apela dahil ang desisyon ng SC ay nakabatay sa maling impormasyon at salungat sa opisyal na rekord,” sabi ni Abante.
Hindi rin totoo ang sinasabi ng SC na hindi inaprubahan ng Kamara ang pagpapadala ng Articles of Impeachment sa Senado. Ipinaliwanag ni Majority Leader Mannix Dalipe na noong Pebrero 5, 2025, ipinasa sa plenaryo ang mosyon na ipadala ito sa Senado matapos makakuha ng pirma mula sa 1/3 ng mga miyembro ng Kamara, kaya agad ring bumuo ng panel ng prosecutors.
Sa parehong araw, in-archive din ng Kamara ang tatlong naunang impeachment complaints na inihain noong Disyembre. Ayon sa Konstitusyon, kapag nakakuha ng sapat na pirma, awtomatikong itinuturing itong Articles of Impeachment at dapat ipadala sa Senado para sa paglilitis.