
Ang isang 68-anyos na lalaki ay patay matapos walang habas na pagtatagain ng 33-anyos na suspek sa isang tindahan sa Sitio Wawa, Barangay San Rafael, Rodriguez, Rizal, pasado alas-4 ng madaling araw, Miyerkoles, July 23. Mas nakakagulat, kinuhanan pa ng suspek ang krimen gamit ang sariling cellphone.
Sa video, makikita na parang natutulog ang biktima sa tabi ng lamesa nang bigla siyang atakihin ng suspek at pagtatagain nang sunod-sunod. Agad na dinala sa ospital ang biktima ngunit idineklara na siyang dead on arrival.
Ayon kay PLt. Col. Paul Sabulao, hepe ng Rodriguez Municipal Police, parehong nakainom ang biktima at ang suspek bago naganap ang insidente. Kwento pa niya, nakaugalian na raw ng biktima na magpahinga kapag nalalasing. Ngunit matapos umalis ng mga kainuman ng suspek, bigla nitong pinagtataga ang biktima nang walang dahilan.
Nahuli agad ng pulisya ang suspek sa Barangay San Isidro. Wala umanong malinaw na motibo maliban sa pagiging lasing ng suspek. “Sabi ay naburyong lang siya at napagtripan ang biktima. Sino bang pumapatay na nagvi-video pa ng sarili?” dagdag ni PLt. Col. Sabulao.