Ang Caloocan City ay idineklara nang nasa state of calamity noong Huwebes, Hulyo 24, matapos ang matinding pagbaha na nakaapekto sa humigit-kumulang 50,000 pamilya. Ayon kay Vice Mayor Karina Teh, inaprubahan ng City Council ang Resolution 4602 para ipatupad ang deklarasyon.
Matinding ulan at baha ang dulot ng apat na weather systems: southwest monsoon at mga bagyong “Crising,” “Dante,” at “Emong.” Bagaman wala na sa Philippine Area of Responsibility ang mga bagyo, nagpalala pa rin ang mga ito ng pagbaha.
Batay sa datos ng Caloocan City Disaster Risk Reduction and Management Department (CDRRMD), 46 na barangay ang lubhang naapektuhan. Dahil dito, inirekomenda nilang ideklara ang state of calamity para magamit agad ang quick response fund at mas mapabilis ang pagbigay ng tulong.
Ayon kay Mayor Along Malapitan, “Mas magiging mabilis ang pagbibigay ng ayuda at pagsasaayos ng mga nasirang imprastraktura sa lungsod.”
Caloocan ang ikawalong lungsod sa Metro Manila na nagdeklara ng state of calamity dahil sa patuloy na pagbaha.