Ang masayang paliligo ng magkakaibigan sa ilog nauwi sa trahedya matapos matangay ng malakas na agos ang isang 16-anyos na dalagita sa Calibuyo River, Tanza, Cavite.
Kinilala ang biktima na si Lyka Sim Costales, residente ng Brgy. Calibuyo. Ayon sa ulat, nagpunta siya kasama ang mga kaibigan para maligo sa ilog kahit malakas ang ulan dahil sa habagat at bagyo. Pinayuhan pa umano sila ng mga kapitbahay na huwag nang tumuloy, pero hindi nila ito sinunod.
Habang naliligo, biglang tumaas ang tubig at lumakas ang agos kaya natangay si Lyka. Agad nagsagawa ng search and rescue ang Tanza Police, CDRRMO, at Philippine Coast Guard. Nahihirapan ang mga rescuers dahil sa mga water lily na inanod ng ilog, pero bandang alas-4 ng hapon natagpuan ang katawan ng dalagita na wala nang buhay.
Paalala ng mga awtoridad: Huwag maligo sa ilog o batis kapag malakas ang ulan o may bagyo upang maiwasan ang ganitong trahedya.