Ang isang 64-anyos na ama ay sugatan matapos pagtatagain ng kanyang sariling anak sa Brgy. Bariis, Legazpi City, kamakalawa ng tanghali. Kinilala ang biktima na si Simeon, habang ang suspek na anak na si Nonong ay nahaharap ngayon sa kasong frustrated parricide.
Ayon sa ulat, galing sa inuman ang ama at pag-uwi niya ay nadatnan ang anak. Pinagsabihan umano ng ama ang anak dahil sa masamang ugali, ngunit nairita ito at sumagot nang pabalang. Dahil dito, nasampal ng ama ang anak.
Galit na galit ang suspek at kumuha ng gulok, saka pinagtataga ang tatay sa ulo at likod. Nagpambuno pa ang mag-ama at nagawa pang maagaw ng sugatang ama ang gulok bago nakatakas ang anak.
Agad humingi ng tulong ang biktima sa kapitbahay at dinala sa Bicol Regional Hospital and Medical Center. Samantala, nahuli ang suspek sa isinagawang pursuit operation ng mga pulis matapos ang ilang oras.