
Ang sikat na rock singer at Black Sabbath frontman na si Ozzy Osbourne ay pumanaw sa edad na 76, ayon sa pahayag ng kanyang pamilya. Namatay siya ilang linggo lamang matapos ang kanyang epic farewell concert sa Birmingham, England, ang kanyang hometown.
Ayon sa kanyang pamilya, "Si Ozzy ay pumanaw ngayong umaga, kasama ang pamilya at napapalibutan ng pagmamahal." Humihiling din sila ng privacy sa mga oras ng pagdadalamhati. Kilala si Osbourne bilang “Prince of Darkness” at naging bahagi ng rock history dahil sa kanyang matitinding performances at buhay na puno ng kontrobersya.
Sumikat si Ozzy bilang pioneer ng heavy metal music kasama ang Black Sabbath noong 1970s. Ang kanilang kantang “Paranoid” ay isa sa pinakasikat sa buong mundo. Ang banda ay nagbenta ng mahigit 75 million albums at naipasok sa Rock & Roll Hall of Fame noong 2006. Noong nakaraang taon, naidagdag si Ozzy bilang solo artist.
Kahit may Parkinson’s disease simula 2019 at nagtamo ng injury mula sa pagkahulog at dating aksidente, patuloy pa rin siyang gumawa ng musika. Inilabas niya ang kanyang 12th studio album noong 2020 at nag-perform sa kanyang huling concert na tinawag na “Back to the Beginning” sa harap ng 40,000 fans.
Nagbigay pugay ang maraming sikat na personalidad tulad nina Elton John at Ronnie Wood, na kinilalang si Ozzy ay hindi lang legend kundi isa ring masayahing tao. Sa huling concert, sinabi ni Ozzy: "Salamat sa inyong suporta. Ito na ang huling kanta."