Ang ilang online sellers sa TikTok ay hindi nagpatalo sa baha habang bumebenta ng mga gamit sa ulan tulad ng waterproof pants, kapote, boots, at payong. Sa kabila ng baha hanggang tuhod, tuloy pa rin ang kanilang live selling, na kinabiliban ng maraming netizens.
Isang TikTok user na si CALEVEL mula Calumpit, Bulacan ang nagpakita ng dalawang seller na nagla-live habang binabaha ang kanilang bahay. Upang patunayan na totoong baha iyon, nahuli pa nila ang isdang gala gamit ang strainer sa kusina, na kinaaliwan ng maraming viewers.
Si Valine naman, isa ring TikTok user, ay naglakad sa baha sa labas ng kanilang bahay para ipakita kung gaano ka-epektibo ang waterproof boots. Nakita sa video ang pagiging totoo at praktikal ng kanilang produkto habang binabayo ng ulan ang paligid.
Habang ang ilan ay nag-aalala sa kaligtasan ng mga seller, marami rin ang natuwa sa kanilang tapang at sense of humor. “Baha ka lang, alipin kami ng salapi!” ayon sa isang komento.
Ayon sa NDRRMC, limang tao ang nasawi at mahigit 370,000 katao ang apektado ng Bagyong Crising, na nagdala ng malakas na ulan at landslide. Kahit wala na ito sa PAR, pinalalakas pa rin nito ang habagat na posibleng magdala ng ulan sa Metro Manila, Luzon, at Visayas sa mga susunod na araw.