
Ang sikat na singer na si Billie Eilish ay nag-anunsyo na siya ay may special na 3D project na ginagawa kasama si James Cameron, ang kilalang direktor sa likod ng Avatar at Titanic.
Ibinahagi ni Billie ang balita sa kanyang HIT ME HARD AND SOFT tour sa Manchester. Ayon sa kanya, “Baka napansin niyong mas maraming camera ngayon.” Dagdag pa niya, “Hindi ko pwedeng sabihin ang lahat, pero ang masasabi ko lang ay may ginagawa akong sobrang espesyal na project kasama si James Cameron at ito ay mapapanood sa 3D.”
Sinabi rin niya na ang apat na shows sa Manchester ay bahagi ng project at si Cameron ay nasa audience ng gabing iyon. “Wala kayong dapat ikabahala kung pare-pareho lang ang suot ko sa apat na araw,” biro pa ni Billie.
Wala pang kumpirmadong detalye kung ano ang project, pero marami sa fans ang naghihinala na ito ay maaaring isang concert film, music video, o documentary. Hindi ito ang unang beses na lumahok si Billie sa film projects — dati na siyang naglabas ng concert film at documentary tungkol sa kanyang buhay at music career.
Abangan ang karagdagang balita tungkol sa bagong collaboration ni Billie Eilish at James Cameron na siguradong ikakatuwa ng kanyang fans.