
Ang Pasig City Regional Trial Court Branch 159 ay tumanggi sa hiling na piyansa ni Pastor Apollo Quiboloy at ng kanyang mga kasamahan para sa kasong qualified human trafficking. Ayon sa resolusyong inilabas noong Hulyo 20, 2025, malakas umano ang ebidensya laban sa kanila.
Pinangunahan ni Judge Rainelda Estacio-Montesa ang desisyon at sinabi niyang may sapat na dahilan para hindi payagan ang piyansa. Si Quiboloy, bilang lider ng Kingdom of Jesus Christ, ang sinasabing nagtulak sa biktima na maging full-time miracle worker at iniuugnay sa sexual exploitation sa ilalim ng tinatawag na bodily connection ministry.
Kasama rin sa mga hindi pinayagang makapagpiyansa sina Sylvia Cemañes, Paulene Canada, Jackielyn Roy, Cresente Canada, at Ingrid Canada. Ayon sa korte, may mga kilos sila na nagpapakita ng iisang layunin at ugnayan sa pagkakasala.
Gayunman, nilinaw ni Judge Estacio-Montesa na hindi pa ito ang pinal na desisyon. Bukas pa rin ang pagkakataon para sa dalawang panig na magharap ng karagdagang ebidensya.
Samantala, sinabi ng abogado ni Quiboloy na si Atty. Israelito Torreon na maghahain sila ng motion for reconsideration dahil hindi umano isinama sa desisyon ang mga sinabi ng biktima sa ilalim ng cross-examination. Nilinaw din niya na wala silang kinalaman sa anumang banta sa korte at umaasang imbestigahan ito.