
Ang magkapatid na menor de edad ay nahulog sa Kabacan River sa Barangay Poblacion, Kabacan, Cotabato. Isa sa kanila, isang 4-taong gulang na batang lalaki, ang nasawi matapos ang insidente.
Kasama ng batang lalaki ang 6-taong gulang na kapatid na babae nang mangyari ang aksidente. Ayon kay Rosalie Budoy mula sa MDRRMO-Kabacan, agad silang nagsagawa ng rescue operation.
Sa video, makikitang may mga taong nagtipon sa lugar habang tumatakbo ang isang miyembro ng Bureau of Fire Protection (BFP), buhat ang bata. Isinakay agad ito sa tricycle papunta sa ospital, pero hindi na ito naisalba.
Lumabas sa ulat na malapit lang ang bahay ng magkapatid sa ilog. Hindi raw alam ng kanilang mga kaanak na pumunta ang dalawa sa ilog, kaya aksidente silang nahulog.
Patuloy pa rin ang search and retrieval operation para sa nawawalang batang babae habang inaalam pa ang buong pangyayari.