
Ang PhilHealth ay makakatanggap ng P53.2 bilyong subsidy sa ilalim ng panukalang 2026 national budget, ayon sa Department of Finance. Ayon kay Finance Secretary Ralph Recto, mas pinalalakas ng administrasyon ang serbisyo sa kalusugan sa pamamagitan ng PhilHealth at Department of Health (DOH).
Ayon kay DOF Undersecretary Maria Luwalhati Dorotan-Tiuseco, ang pondo ay dagdag suporta lamang sa malaking pondo ng PhilHealth na inaasahang aabot ng P348 bilyon sa pagtatapos ng 2025. Layunin nitong palawakin ang benepisyo at serbisyong medikal para sa mga miyembro.
Ipinahayag din ni Recto na walang dagdag sa contribution rate ng mga miyembro. Sa halip, sisikapin ng PhilHealth na mapahusay ang koleksyon upang mas mapalawak ang serbisyo sa mga Pilipino.
Sa panig ng Office of the Vice President (OVP), pinayagan ng Malacañang na maghain ito ng mas mataas na budget proposal, pero kailangang maipaliwanag nang maayos sa Kongreso. Mula sa dating P733 milyon, umakyat sa P903 milyon ang aprubadong panukala ng Department of Budget and Management (DBM) para sa 2026.
Ayon kay Presidential Communications Undersecretary Claire Castro, hindi hinaharangan ni Pangulong Marcos ang mga mungkahi ni Vice President Sara Duterte, basta’t makatutulong ito sa bayan. Dagdag pa niya, kailangan ng OVP na depensahan ng maayos ang kanilang proposal tulad ng isang estudyanteng dumedepensa ng thesis.
Samantala, si La Union Rep. Paolo Ortega V ay umaasang tututukan ni Pangulong Marcos sa kanyang State of the Nation Address (SONA) ang mga programa sa turismo, agrikultura, imprastraktura, edukasyon, at kalusugan. Ayon sa kanya, malaking tulong ang turismo sa pag-unlad ng kanilang probinsya na kilala bilang top beach at surf destination.
Nanawagan si Ortega na maglatag ng bagong estratehiya ang administrasyon para mapanatili ang pag-usbong ng ekonomiya sa mga lugar na umaasa sa turismo. Aniya, mahalagang marinig ang plano para sa mga sektor na direktang may epekto sa mga lokal na komunidad.