
Ang tatlong tao ay naaresto sa buy-bust operation sa Barangay Burgos, Rodriguez, Rizal. Sa operasyon, nasabat ng mga pulis ang 172 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng halos P1.2 milyon, isang baril, bala, at marked money.
Ayon kay Lt. Col. Paul Sabulao ng Rodriguez Police, na-monitor nila ang kilos ng mga suspek ng mahigit isang buwan. Palipat-lipat umano ng tirahan ang mga ito habang patuloy sa pagrerepack ng droga para ibenta.
Kinilala ang mga suspek na galing sa Pasig, Marikina, at San Mateo. Isa sa kanila, isang 47-anyos na lalaki, ay dati nang nakulong sa Muntinlupa dahil din sa droga. Kasama niyang naaresto ang 32-anyos na live-in partner at isang 44-anyos na lalaki na pareho ring sangkot sa pagbebenta ng ilegal na droga.
Galing Taguig umano ang supply ng shabu, na ibinabagsak nila sa Rodriguez at karatig bayan sa Rizal. Ayon sa mga suspek, hindi umano totoo ang paratang at nadamay lang sila.
Kasalukuyang nakakulong ang tatlo sa Rodriguez Police Station at haharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.