
Aabot sa 91 piraso ng buto ang nakuha mula sa ilalim ng Taal Lake ng PNP Forensic Group, kung saan anim dito ay hinihinalang mga buto ng tao. Ayon kay Lt. Col. Edmar dela Torre, tumatagal ng limang hanggang pitong araw upang makabuo ng DNA profile mula sa buto, at gayundin ang pag-cross match sa DNA ng mga kamag-anak ng mga nawawalang sabungero.
Aniya, nakuhanan na ng DNA sample ang 18 kamag-anak ng mga nawawala para sa posibleng matching. Kapag may nabuong DNA profile mula sa mga buto, isasagawa ang cross-matching. Pinasilip din ng PNP Forensic Group ang kanilang DNA Laboratory kung saan ipoproseso ang mga buto mula sa Taal Lake.
Samantala, nagsimula nang gamitin ng Philippine Coast Guard ang remotely operated vehicle (ROV) sa paghahanap sa mga nawawala sa lawa. Ang ROV ay may ilaw at camera, kaya’t mas lalawak ang monitoring sa ilalim ng tubig. Maaari rin nitong hilahin ang mga bagay na hanggang 10 kilo at tumagal ng hanggang apat na oras sa ilalim ng lawa.
Matatandaang nagsasagawa na ng diving operations ang PCG upang mahanap ang mga nawawalang sabungero na sinasabing itinapon sa lawa. Tiniyak ng PCG na ginagawa nila ang search and rescue nang maingat upang matagpuan ang mga nawawala.