
Ang hirap pala kapag unti-unti mong nare-realize na iba na ang nararamdaman mo para sa taong matagal mo nang kaibigan. Sa totoo lang, hindi ko naman ito plinano. Wala naman talagang moment na bigla ko siyang tinignan tapos naisip ko, "Uy, gusto ko siya." Wala. Parang unti-unti lang siyang dumating. Parang unti-unting bumigat sa dibdib, pero hindi ko masabi.
Lumaki kaming magkasama. Grade school pa lang, halos lahat ng section magkasama kami. Alam ko kung gaano siya kakulit, kung paano siya ngumiti, kung paano siya magalit, at kung gaano siya kabait sa mga taong mahalaga sa kanya. Pero ngayong high school, magkaiba na kami ng section. Schoolmate na lang kami, pero kahit gano’n, madalas pa rin kaming mag-chat, magtawanan sa mga simpleng bagay, at kumustahan kapag may time.
Pero lately, napapansin kong nag-iiba na siya. Mas nagiging attractive siya sa paningin ko. Pumuti siya, tumangkad, at ang long hair niya—hindi ko ma-explain pero mas lalo siyang gumanda. Parang siya ‘yung version ng best friend ko na hindi ko in-expect pero gusto kong mas makilala pa.
Ang problema, natatakot ako. Takot akong baka kapag inamin ko ang nararamdaman ko, mawala ang lahat. Baka magbago siya. Baka hindi na siya kasing open sa’kin tulad ng dati. Baka mawala ‘yung closeness na ilang taon naming binuo. Ayokong maging dahilan para masira ‘yon. Kaya ayun, tahimik lang ako.
Minsan naiisip ko, “Paano kung may chance?” May mga araw kasi na parang iba rin ang kilos niya. Parang may mga subtle signs na baka may gusto rin siya sa akin. Pero baka ako lang ‘yon. Baka kasi sobra lang akong umaasa. Ayokong umasa, pero gusto kong maniwala na posible. Gusto kong isipin na may possibility na pwedeng maging more than friends kami.
May mga gabing gusto ko siyang i-message at aminin lahat. Pero laging may pumipigil. Ang daming "paano kung..." sa isip ko. Paano kung hindi pala siya ready? Paano kung hindi pala niya ako gusto? Paano kung mawala siya? At sa bawat "paano kung," mas pinipili ko na lang manahimik at itago lahat.
Pero ngayon, sinusulat ko 'to kasi gusto ko lang ilabas. Hindi ko alam kung may makakabasa nito, pero kahit papano, gumaan sa pakiramdam na masabi. Oo, nagkakagusto na ako sa best friend ko. At kahit hindi ko pa kayang sabihin sa kanya, umaasa akong balang araw, magkakaroon din ako ng lakas ng loob.
At kung darating man ‘yung araw na ‘yon, sana hindi pa huli ang lahat. Sana nandun pa rin siya. Sana ako pa rin ‘yung taong kaya niyang kausapin kahit anong oras. At sana… may pag-asa pa.