
Ang mga lisensyadong online gaming operators sa Pilipinas ay nagbabala na ang total ban sa online gambling ay mas makakasama kaysa makakabuti. Sa kanilang joint statement, sinabi ng 14 na operators na hindi matitigil ang mga Pilipino sa pagsusugal online kahit pa ipagbawal ito. Sa halip, mapipilitan lang silang gumamit ng illegal at unregulated platforms.
"Ang pagbabawal ay hindi nagpapawala ng online gaming. Ang nawawala ay ang safety measures para sa mga Pilipino," ayon sa grupo. Mas ligtas daw kung ang mga manlalaro ay nasa ilalim ng mga regulated platforms na sumusunod sa batas, kaysa sa black market kung saan walang kontrol.
Ang grupo ay nakikiisa sa PAGCOR at mga mambabatas para sa mas mahigpit na regulasyon imbes na total ban. Iminungkahi nila ang mas mahigpit na age at ID verification, limitasyon sa mga at-risk na manlalaro, anti-money laundering rules, at mas mabilis na pagsasara ng illegal sites.
Suportado rin ito ni Sen. Sherwin Gatchalian na nagmungkahi ng daily fund transfer cap at “cooling-off period” para sa mga sobra ang gamit sa online gambling. Ayon sa kanya, biometric verification at time limits ay makakatulong para mapigilan ang lumalalang kaso ng gambling addiction, lalo na sa kabataan.
Nanawagan din si Rep. Terry Ridon ng mas mahigpit na regulasyon dahil sa epekto ng online gambling sa mental health at kabuhayan ng mga pamilya. Hiniling niya sa BSP na ipagbawal ang paggamit ng GCash, Maya, at iba pang apps para sa anumang online gambling transaction. Aniya, napakadaling ma-access ngayon ang sugal kaya maraming kabataan at pamilyang kapos sa budget ang nalululong dito.