
Ang aktres na si Kang Seo Ha ay pumanaw na matapos ang kanyang laban sa cancer, ayon sa kumpirmadong ulat ng mga Korean media tulad ng Soompi at Koreaboo nitong Hulyo 14. Siya ay 31 taong gulang.
Isang Instagram post mula sa isang taong pinaniniwalaang kamag-anak niya ang nagbahagi ng mga alaala ni Kang Seo Ha. Ibinahagi nito ang ilang larawan at video ng aktres mula sa mga nakaraang taon at sinabing kahit sobrang sakit ang tinitiis ni Seo Ha, iniisip pa rin nito ang kapakanan ng iba.
Ayon sa post, "Hindi pa rin ako makapaniwala, unnie. Kahit ang sakit mo ay matindi, inisip mo pa rin ako at ang iba. Kahit hindi ka na halos makakain, pinilit mong bayaran ang pagkain ko gamit ang sarili mong card at hindi mo ako pinayagang mag-skip ng kain."
Gaganapin ang burol ni Kang Seo Ha sa funeral hall ng Seoul St. Mary’s Hospital, at ang kanyang libing ay sa Hulyo 16, 7:40 ng umaga. Ililibing siya sa kanilang pamilyang libingan sa Haman, Gyeongnam Province.
Si Kang Seo Ha ay nagtapos sa Korea National University of Arts at unang nakilala noong 2012 sa music video na “Getting Farther Away” ng Brave Guys. Lumabas siya sa mga Korean series tulad ng Schoolgirl Detectives, Heart Surgeons, at ang huli niyang proyekto ay ang pelikulang Mangnaein (In The Net) kasama sina Kim Seon Ho at Park Gyu Young.