Ang isang Grade 8 na estudyante sa Bambang National High School (BNHS), Nueva Vizcaya ay binugbog ng lima niyang kaklase matapos silang mag-cutting class at mag-inuman malapit sa paaralan noong Hulyo 8. Ayon sa imbestigasyon, nagkaroon ng komprontasyon ang mga estudyante matapos umano ang negatibong komento ng biktima, dahilan para siya ay kaladkarin, sampalin, at sipa-sipain.
Nag-viral ang video ng pananakit sa social media, na kinunan mismo ng isa sa mga sangkot sa insidente. Dahil dito, nagsagawa ng emergency meeting ang pamunuan ng BNHS kasama ang biktima, mga estudyanteng sangkot, kanilang mga magulang, barangay at municipal officials, pulisya, at kinatawan mula sa Schools Division Office.
Inirekomenda ng paaralan ang paglilipat ng limang estudyanteng sangkot sa insidente. Ayon kay Dr. Orlando Manuel, School Division Superintendent ng Nueva Vizcaya, umamin ang mga magulang ng mga bata na nagkamali ang kanilang mga anak at handang sumunod sa desisyon ng paaralan.
Hiniling ni Bambang Mayor Benjamin Cuaresma III ang paliwanag tungkol sa insidente mula sa principal ng BNHS. Samantala, sinabi ni Police Chief P/Major Randy Velarde na irerebyu nila ang kaso bilang posibleng cyberbullying dahil sa pag-upload at pag-share ng video online.
Patuloy ang imbestigasyon habang binibigyang pansin ang bullying, pananakit, at maling paggamit ng social media ng mga kabataan.