
Ang whistleblower na si Julie Patidongan o mas kilala bilang ‘Totoy’ ay magsusumite ng affidavit ngayong araw sa National Police Commission (Napolcom). Sa kanyang salaysay, papangalanan niya ang 15 pulis na umano’y sangkot sa pagkawala ng ilang sabungeros. Ayon kay Napolcom Vice Chairman Rafael Calinisan, malaking tulong ito para masimulan ang imbestigasyon.
Matagal na umanong naghihintay ng hustisya ang taumbayan. Ani Calinisan, apat na taon na ang lumipas mula nang pumutok ang isyu kaya napakahalaga ng bagong ebidensiyang ito. Kahit administratibo ang unang kasong isasampa, may posibilidad din na masampahan ng kasong kriminal depende sa mga ilalabas na ebidensya.
Ilan sa mga pinangalanang pulis ay may mataas na posisyon sa PNP, ayon pa sa pahayag. Dagdag ni Calinisan, kung walang sala ang mga ito, dapat silang absweltohin. Ngunit kung mapatunayang may sala, dapat silang managot sa batas.
Ang imbestigasyon ay inaasahang matatapos sa loob ng dalawang buwan. Kung mapatunayan ang grabe ang kasalanan, maaaring masuspinde o matanggal sa serbisyo ang sangkot na mga pulis. Nilinaw rin na ang imbestigasyon ay sakop lamang ang mga aktibong pulis, at hindi na saklaw ang mga retirado.
Tiniyak ng Napolcom ang patas na proseso para sa lahat. Layon ng aksyon na ito na magbigay linaw at hustisya sa matagal nang isyung bumabagabag sa publiko.