Ang Special Action and Intelligence Committee for Transportation o SAICT ay nanindigang magpapatuloy sa tapat at matapang na serbisyo sa kabila ng pamamaril at pagpatay sa isa nilang enforcer sa Cavite noong Hulyo 12, 2025.
Kinilala ang biktima na si Hervin Cabanban, na pinasok at binaril sa loob ng kanyang bahay sa madaling araw. Ayon sa mga kapitbahay, dalawang putok ng baril ang narinig mula sa bahay ni Cabanban bandang alas-dos ng umaga.
Mariing kinondena ng SAICT ang insidente at tinawag itong isang duwag at brutal na krimen. Ayon kay Asec. Jose Lim IV, “Walang kalaban-laban si Hervin. Pinasok siya sa bahay, pinagbabaril at sinaksak pa.”
Sa kabila ng pangyayari, sinabi ni Ground Commander Simeon Talosig, isang retiradong heneral, na hindi matitinag ang grupo. “Sa mga duwag na pumatay sa kasamahan namin, kami’y mananatiling matatag at walang takot. Patuloy kaming maglilingkod para sa bayan.”
Naglabas din ng pahayag si Transportation Secretary Vince Dizon at sinabing may direktiba si Pangulong Bongbong Marcos na agad na resolbahin ang krimen. Kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang kagawaran sa mga otoridad para sa imbestigasyon.