
Ang baha sa Texas Hill Country ay nagdulot ng matinding pinsala simula Hulyo 4. Mahigit 120 katao ang nasawi, kabilang ang 36 na bata, matapos ang biglaang pag-apaw ng tubig sa Guadalupe River dulot ng malakas na ulan. Patuloy ang paghahanap sa 161 katao na nawawala.
Mahigit isang dosenang estado sa Amerika ang nagpadala ng search and rescue teams sa Kerr County, kung saan nangyari ang pinakamatinding epekto ng baha. Ayon sa mga opisyal, huling may natagpuang buhay ay noong Biyernes, isang araw matapos ang baha.
Kabilang sa mga nasawi ang 27 campers at staff mula sa Camp Mystic, isang summer camp para sa mga batang babae. Hanggang ngayon, nawawala pa rin ang limang bata at isang counselor mula sa naturang camp.
Ang Kerr County ay bahagi ng tinatawag na "flash flood alley", isang lugar sa gitnang Texas na madalas bahain. Umabot sa isang talampakan ng ulan ang bumuhos sa loob lamang ng isang oras, dahilan para umakyat ang tubig mula 1 talampakan hanggang 34 talampakan, na nagpalubog sa mga bahay at nagtumba ng mga puno.
Ayon sa Malacañang, walang Pilipino ang nasaktan sa trahedya ngunit handa ang Pamahalaan ng Pilipinas na tumulong kung kinakailangan. Patuloy na nakatutok ang mga awtoridad sa paghahanap ng mga posibleng nakaligtas sa gitna ng putik at gumuhong debris.