Ang mga motorista ay maaari nang mag-renew ng kanilang driver’s license gamit ang eGovPH mobile app, ayon sa anunsyo ng Land Transportation Office (LTO). Layunin ng bagong feature na gawing mas mabilis at mas maginhawa ang proseso, at iwasan na ang matagal na pila sa mga LTO offices.
Para mag-renew ng lisensya, kailangan lang i-download ang eGovPH app mula sa App Store o Google Play, at kumpletuhin ang identity verification. Pagkatapos nito, puwedeng i-access ang LTO service, mag-upload ng litrato ng harap at likod ng lisensya, at mag-selfie ayon sa requirements ng ahensya.
Dalawang importanteng hakbang ang kailangang tapusin bago makapag-renew: ang online medical exam at ang Driver’s Enhancement Program. Gamit ang LTO Telemedicine, puwedeng mag-book ng virtual check-up kasama ang isang accredited doctor. Sa enhancement program naman, kailangang tapusin ang 5-hour online module tungkol sa road safety at traffic rules.
Kapag natapos na ang requirements, puwedeng magbayad gamit ang online payment options sa app. Kapag successful ang transaction, agad na ma-gegenerate ang electronic driver’s license na puwedeng ma-access sa app. Puwede ring magpa-deliver ng physical card o kunin ito sa LTO district office.
Ayon kay LTO chief Vigor Mendoza II, ang digital driver’s license ay may parehong bisa tulad ng physical card. Layon ng mga digital services na gawing mas mabilis, mas mura, at hassle-free ang transaksyon para sa lahat.