Ang isang 21-anyos na lalaki ay inaresto matapos manloob sa isang convenience store sa Sitio Tanag, Barangay San Isidro, Rodriguez, Rizal. Ayon sa Rodriguez Police, nakita sa CCTV ang paglusot ng lalaki sa kisame ng tindahan noong madaling araw ng Linggo.
Kinulimbat ng suspek ang mga pakete ng sigarilyo at tsokolate na nagkakahalaga ng higit P5,000. Nadiskubre lamang ng mga crew ang pangyayari nang pumasok sila ng alas-6 ng umaga at nakita ang nagkalat na gamit. Agad silang tumawag sa pulisya.
Sa follow-up operation, isang concerned citizen ang nagbigay ng impormasyon tungkol sa taong nakita niyang paikot-ikot sa lugar. Ayon sa pulisya, may record na rin ng pagnanakaw ang lalaki at nakatira rin sa parehong barangay.
Naaresto ang suspek sa kanyang bahay, ngunit itinanggi niya ang paratang. Sinabi niyang, “Wala po, hindi po totoo ‘yun. Sa korte na lang po.” Nang tanungin sa dati niyang kaso, aniya, “Dati pa po ‘yun, bata pa po ako.”
Nakakulong na ngayon ang lalaki sa Rodriguez Police Custodial Facility at sasampahan ng kasong robbery dahil sa nangyaring insidente.