Ang isang pulis sa President Quirino, Sultan Kudarat ay nasawi matapos barilin ng kanyang biyenan gamit ang sariling serbisyo baril noong Miyerkules, Hunyo 25. Kinilala ang biktima na si Staff Sgt. Bobby Vegafria Nanali, isang warrant officer at administrative staff sa kanilang municipal police station.
Ayon kay Major Aljun Besario, hepe ng pulisya sa nasabing bayan, nagkaroon muna ng mainit na pagtatalo si Nanali at ang kanyang asawa sa loob ng kanilang bahay bago narinig ang putok ng baril.
Base sa imbestigasyon, naagaw ng asawa ni Nanali ang kanyang baril sa gitna ng kanilang sigawan at ibinigay ito sa kanyang ina. Dito na umano pinaputukan si Nanali sa itaas na bahagi ng tiyan.
Isinugod pa sa ospital ang biktima ng mga emergency responders, ngunit hindi na ito nailigtas. Sa ngayon, nasa custody na ng pulisya ang biyenan ni Nanali matapos itong kusang sumuko sa mga awtoridad.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon sa insidente habang naka-detain ang suspek.