Ang isang truck ng LBC Express ay naaksidente sa Atimonan, Quezon noong Hulyo 8, kung saan nagkalat sa kalsada ang laman nitong mga padala at balikbayan boxes. Kumalat sa social media ang mga larawan at video ng insidente, na naganap sa Diversion Road.
Maraming netizen ang nagbahagi ng post para abisan ang mga OFW na baka kabilang ang padala nila sa mga nahulog. “Baka isa sa mga box niyo ito, nadisgrasya ang LBC sa Atimonan,” ayon sa isang Facebook user.
Naglabas ng pahayag ang LBC Express noong Hulyo 9, kung saan sinabi nilang ligtas ang lahat at kasalukuyang inaasikaso ang mga naapektuhang padala. “Alam naming mahalaga ang bawat padala, at sisiguraduhin naming maihahatid ito o maibigay ang nararapat na suporta,” ayon sa kanilang pahayag.
Dagdag ng LBC, ang mga ganitong aksidente ay paalala ng kahalagahan ng road safety para sa mga driver, customer, at komunidad. Humingi rin sila ng pasensya at pang-unawa habang inaayos ang sitwasyon.
Ang LBC ay isa sa mga pinakakilalang courier service sa bansa na pinagkakatiwalaan ng mga Pilipino lalo na sa pagpapadala ng balikbayan boxes at iba pang importanteng padala.