
Ang isang 48-anyos na lalaki ay inaresto matapos umanong gahasain ang isang 15-anyos na dalagita sa CR ng gasolinahan sa Barangay Concepcion Uno, Marikina City noong Martes ng gabi. Ayon sa Marikina Police, nakakita sila ng isang bata sa labas ng banyo habang nagpapatrolya sila bandang alas-10:30 ng gabi. Nang tanungin, sinabi ng bata na hinihintay daw niya ang kapatid niya sa loob ng CR.
Maya-maya ay lumabas ang isang lalaki mula sa pambabaeng CR, na sinundan ng dalagita. Dito na nagduda ang mga pulis at kinausap ang bata. Ayon sa dalagita, hinalikan siya at hinipuan ng suspek. Matapos ang insidente, binigyan umano siya ng P150 ng lalaki. Agad na inaresto ang suspek na nagtatrabaho sa convenience store ng gasolinahan.
Itinanggi ng lalaki ang paratang at sinabing nag-aahit lang siya sa loob ng CR dahil daw mas maaliwalas. Sinabi rin niya na matagal na niyang kilala ang bata na madalas daw manghingi ng pera. Isinailalim sa medico-legal ang biktima at dadaan siya sa counseling. Nakakulong na ngayon ang suspek at haharap sa kasong statutory rape.