
Ang kapatid ni dating Duterte adviser Michael Yang na si Jianxin Yang ay inaresto ng mga pulis sa Pasay City. Kilala rin siya sa ibang pangalan tulad ng Antonio Lim y Maestrado, Antonio M. Lim, Tony Lim, at Tony Yang. Ayon sa mga awtoridad, may kinahaharap siyang mga kaso tulad ng Falsification of Public Documents, Perjury, at paglabag sa paggamit ng iba't ibang pangalan o alias.
Ayon kay Pasay City Police Chief Col. Joselito De Sesto, kinumpiska ng Bureau of Immigration (BI) ang kanyang passport dahil mayroon pa siyang kaso sa ahensya. Matagal na rin umanong nananatili sa bansa si Yang kahit ilegal ang kanyang pananatili, halos 30 taon na raw siyang nasa Pilipinas. Nauna siyang naaresto sa NAIA Terminal 3 noong Setyembre 19, 2024, pagkalapag niya mula Cagayan de Oro.
Sa kasalukuyan, nakakulong si Yang sa Pasay City Police Station. Wala pa raw ibang impormasyon kung sangkot siya sa ibang illegal na gawain, maliban sa tatlong kasong isinampa laban sa kanya. Itinanggi rin niya ang anumang koneksyon sa illegal na droga, at sinabi niyang wala siyang komunikasyon sa kapatid niyang si Michael Yang.
Ayon sa pahayag ni Yang, "Hindi kami nag-uusap ni Michael. May sarili akong pamilya at anak. Siya, iba ang buhay." Dagdag pa niya, wala siyang alam sa anumang illegal na aktibidad.