Ang Kawasaki ay naglabas ng bago nilang dual-sport motorcycle, ang KLX230 SHERPA, para sa mga rider na gusto ng motor na puwedeng gamitin sa araw-araw at adventure sa weekend. Binago nila ang dating KLX230 para maging mas praktikal at bagay sa mas maraming tao, kahit saan ka man bumiyahe—sa kalsada o sa off-road na daan.
May dalang ABS sa harap at likod, na wala sa mga dual-sport model ng Honda at Yamaha dito sa Pilipinas. Pinapadali nito ang pagpreno kahit sa madulas na kalsada, kaya mas ligtas ang biyahe. Mayroon ding digital panel na puwedeng i-connect sa smartphone, isang unang feature sa bansa para sa ganitong klase ng motor.
Ang KLX230 SHERPA ay gumagamit ng matibay na 233cc air-cooled EFI engine na kilala sa pagiging maasahan. May Ergo-fit system din ito kung saan puwedeng i-adjust ang handlebars, footpegs at upuan para mahanap ang tamang posisyon sa pagmamaneho. Dahil dito, mas komportable at kontrolado ang ride kahit gaano ka katangkad o kababa.
Para sa mga naghahanap ng versatile na motor, ang KLX230 SHERPA ay magandang pagpipilian. May SRP na PHP 261,300, handa ka na sa kahit anong adventure.