
Ang 44% ng mga Pilipino ay naniniwala na sinasadya ng Senado ang pag-antala sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, ayon sa bagong Social Weather Stations (SWS) survey na isinagawa noong Hunyo 25–29, 2025. Ayon sa resulta, mas marami ang naniniwalang ayaw umusad ng mga senador ang paglilitis.
Sa parehong survey, 25% lang ang nagsabing hindi ito inaantala, habang 22% ang hindi sigurado sa sagot. Siyam na porsyento (9%) naman ang nagsabing wala silang sapat na alam tungkol sa isyu.
Lumabas din sa survey na mas maraming Pilipino ang hindi sang-ayon sa impeachment complaint laban kay VP Duterte. Aabot sa 42% ang tutol sa reklamo, habang 32% ang sang-ayon. Ang natitirang porsyento ay alinman sa undecided o walang sapat na kaalaman.
Pinakamataas ang suporta sa impeachment complaint sa Metro Manila (42%), sinundan ng Luzon (40%), Visayas (28%), at Mindanao (13%). Sa mga tumututol, pinakamarami ay mula sa Mindanao (65%).
Sa kabuuan, 59% ng mga sumagot ang nagsabing may kaalaman sila tungkol sa impeachment, habang 41% lamang ang unang beses itong narinig sa mismong survey interview.