Ang Bureau of Immigration (BI) ay inaresto ang tatlong banyaga na nagpapanggap na Pilipino sa Zamboanga Del Sur. Ayon kay BI spokesperson Melvin Mabulac, isa sa mga nahuli ay nagtatrabaho sa negosyo ng uling. Nagpakita ito ng government IDs, pero nang suriin, hindi pala ito tugma sa kanyang totoong pagkakakilanlan.
Nagpunta rin ang mga tauhan ng BI sa isang shopping center kung saan ang manager ay nagpapanggap din na Pilipino. Nang beripikahin, nalaman na siya pala ay isang Chinese national kasama ang isa pang kasamahan. Dalawa sa kanila ay may hawak na Philippine driver’s license na nagsasabing sila ay Filipino citizens.
Nakakulong na ang tatlo sa BI detention center sa Bicutan, Taguig habang iniimbestigahan kung paano nila nakuha ang mga pekeng ID. Ayon kay Mabulac, nakakabahala ito dahil maaaring magamit sa krimen o pang-eespiya, na malaking banta sa seguridad ng bansa. Patuloy ang koordinasyon sa PSA, AFP, at iba pang ahensya para matukoy kung sino ang nasa likod ng sindikatong ito.